May Bago Nang Alkalde Ang Gensan

P1120757
Isa sa pinaghandaan kong aktibidades ko kahapon ay ang Oath-Taking Ceremonies ng mga bagong halal na opisyales ng Gensan.  Buti na lang at kumasya pa rin ang barong ko.  Ang dating venue ay pinalitan gawa ng malakas ng ulan sa umaga.  Dali-daling inayos ang PBA Sports Arena para makasaysayang pagpapalit ng liderato sa syudad.  Heto ang mga na-obserbahan ko kahapon…

1) Dumadagundong ang palakpakan nung tinawag ang mga pangalan nina Kagawad Jeng Gacal, Kagawad Lita Nunez, Vice Mayor Shirlyn Banas-Nograles at Mayor Ronnel Rivera. Pinakamalakas ang palakpakan para sa bagong Alkalde. Parang uhaw na uhaw ang mga andun para sa isang PAGBABAGO.

2) Punumpuno ang PBA Sports Arena. Wala nang halos maupuan nung dumating ako ng alas tres ng hapon. Pero wala akong narinig na reklamo sa mga kasama kong nakatayo. Nung magkabakante, may kumaway saken para umupo — hindi ko sya nakilala pero ang ganda ng pakiramdam ko nung oras na yun. Parang iisang damdamin ang meron kahapon — ang pagkukusang makatulong sa kapwa. Nang may mga upuang inilagak sa tabi namin — kusa naming nilinis ito bago maupuan.

3) Aligaga ang mga kawani ng LGU lalong-lalo na ang mga ushers/usherettes. Nung wala nang maupuan, ramdam mo na natataranta sila kaya’t panay ang pasok ng mga bakanteng upuan. Panay din ang sundo nila sa mga nakatayo sa likuran para makaupo sa bakanteng silya.

4) Ang mga dating mga bida noon at nakikita mo tuwing ganitong okasyon ay wala. Wala na ang mga dating kung makatingin eh para kang nilalait at hinuhubaran ng buhay. Naninibago ba ako PAGBABAGO? Napangiti na lang ako.

5) Taas noong tinapos ni Mayor Darlene ang kanyang talumpati. Bilib ako sa tatag ng loob nya dahil hindi kakayanin ng kahit sino ang ginawa nya kahapon. Isang stroke of genius ang pagbigay nya ng regalong framed-picture ni Mayor Ronnel na may selyo ng syudad. Hihintayin ko kung san ito isasabit. Mahal pa rin si Mayor Darlene ng Gensan. Malakas ang palakpakan para sa kanya.

6) Nakakagulat ang transpormasyon ni Mayor Ronnel. Ang akala kong kiming Kagawad ngayo’y Ama na ng aking Lunsod. Sa bawat katagang binabanggit nya dama mo na nasa puso nya ang kapakanan ng taga-Gensan. Isa sa pinalakpakan ng todo ay ang proklamasyon nyang pakikipag-tulungan sa Sarangani Province. Kalusugan at Edukasyon ang magiging sentro ng kanyang pamamalakad at gawing sentro ng negosyo at turismo ang ating Gensan.

Umuwi akong nakangiti. Tatlong taong nakaraan sa parehong okasyon, naramdaman ko ang nagbabadyang unos (para sa akin) matapos kong kamayan and dating alkalde — alam ko na umarya na agad ang bulong brigade. Nung kinamayan ako ng kusa ni Mayor Ronnel alam kong nasa mabuting kamay ang Gensan. Maging tapat ka lang Mayor Ronnel at ang suporta namin ay buong puso naming ibibigay. Kasihan ka nawa ng Panginoon.

Related Posts with Thumbnails

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Are you smarter than a 5th grader? *
Time limit is exhausted. Please reload CAPTCHA.

CommentLuv badge