Noynoy Still Leads The Pre-election Polls

Tatlong buwan bago sumapit ang May 10 elections, naghahari pa rin si Sen. Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III ng Liberal Party sa mga surveys.

Ipinapakita sa pinakabagong Pulse Asia Survey, isinagawa mula Pebrero 21 hanggang 25, na si Sen. Aquino pa rin ang napipisil na kandidato sa pagka-pangulo ng 36%.

Si Manny Villar naman ng Nacionalista Party, sa kabila ng pagbaha niya sa TV at radyo ng mga adverstisements na nagkakahalaga ng P1.3 Bilyon at higitan sa gastos ang lahat ng kandidato sa pagka-pangulo bago pa sumapit ang panahon ng kampanya, ay pumapangalawa lamang sa 29%, bumaba ng anim na puntos kumpara sa marka niya nuong Enero 10.

Ang Pulsa Asia survey na ito, inilapat sa nagrespondeng 1,800 katao, ay nagpapatibay rin sa naging resulta ng survey ng Taylor Nelson Sofres (TNS), ginanap nuong Enero 28 hanggang Pebrero 3 kung saan ipinakitang lamang ng 11% si Aquino kay Villar. Lumalabas na ang dalawang surveys ay nagtataglay ng halos magkatulad na resulta.

Noynoy in Gensan with Mayor Jun Acharon

Ipinabatid ng mga nagresponde sa Pulse Asia survey na ang pagkakaroon ng isang presidenteng hindi korap, at may malasakit sa mahihirap, ang kanilang pangunahing dahilan sa pagpili ng kandidato.

Pumangatlo si Erap Estrada sa 18%, pang-apat naman si Gilbert Teodoro sa 7%. Sina Bro. Eddie Villanueva, Richard Gordon, Jamby Madrigal, Nick Perlas, Vetallano Acosta at JC de los Reyes ay halos magkakapantay naman sa gradong 0-2%, sa dahilang “plus/minus 2%” ang “margin of error” sa pagitan nila (dagdag-bawas na 2% bilang palugit sa posibleng mali).

Sa mga kandidato sa pagka-bise presidente, nangunguna si Sen. Mar Roxas, ang katambal sa pagtakbo ni Aquino, sa markang 43%, samantalang pumapangalawa naman si Loren Legarda ng National People’s Coalition sa 27%.

Ipinahayag ni Sen. Aquino na ang resulta ng survey ay isang patunay na matatag at matalas kumilala ang botatentang Pilipino sa mga kasinungalingang ikinakalat ng kanyang mga katunggali.

Noynoy Aquino with Gensan's First Lady Rose Acharon

“Ako po’y nagagalak sa pagpapatunay ng survey na ito na patuloy ang pagbuhos ng suporta mula sa sambayanang Pilipino na naglalayon ng tunay na pagbabago para sa ating bansa,” pahayag ng senador. “Hindi po ako titigil hangga’t hindi natin naibibigay sa ating kapwa Pilipino ang isang lideratong malinis at mapapagkatiwalaan.”


Related Posts with Thumbnails