Nauna na Kaming nag-Undas

Nauna na kaming nag-UNDAS.  Bitbit ang instant tent at ang tarpaulin na gawa nung nakaraang birthday ko, tinungo naming mag-anak ang puntod ng parents namin sa Forest Lake Memorial Park.  Kumbaga nag-dress rehearsal na kami para sa gagawin namin sa darating na undas.  Kagabi, over dinner, pinagusapan namin kung anong oras kami pupunta sa sementeryo at kung anong babauning pagkain.  Sabi ni Kuya Avel, magkakaroon ng wifi connection dun.  Nai-imagine ko na ang pabonggahan ng laptop nyan.

Ang All Souls Day dito sa Pilipinas ay parang piyesta din.  Ito ang isa sa mga pagkakataon para mabisita ang mga kapamilyang pumanaw na at tuloy malinis ang mga puntod ng mga minamahal.  Sangkaterbang bulaklak at kandila ang bitbit ng mga taong dadagsa sa mga sementeryo tuwing undas.  Klase-klaseng tao ang makikita – lalaki, babae, matanda, bata, mayaman at mahirap.  Iisa lang ang pakay ng lahat – ang bigyang-alaala ang mga nangamatay.


Para na ring reunion ang undas.  Dito nagkikita ang mga magkakamag-anak.  Merong galing sa malalayong probinsya at meron ding mga balikbayan na galing pa sa ibang bansa.  Ito na siguro ang pumapangalawa sa Pasko in terms of family reunions.  Dagsa din ang pagkain at inumin.  Piyestang-piyesta talaga.  May mga nagdadala pa ng buong lechon lalo na sa mga mausoleum.  At kahit ipinagbabawal ang pag-inom at pagsugal, expect nyo na lang na marami pa ring walang paki sa bawal.  Andyan pa ang malakas na pagpapatugtog ng karaoke.

Naiba na rin ang mukha ng sementeryo ngayon.  Nakahilera na ang iba’t-ibang stalls ng mga sikat na kainan.  Meron pang nagpapa-halloween party!  Although meron pa ring naglilibot na pari at mga church volunteers para mag-alay ng dasal, hindi na ito nabibigyan ng halaga.  Yan lang ang nakakalungkot.  Sana nga lang hindi nakakalimutan ng mga bumibisita ang magdasal para sa mga yumao.  Just the same, excited pa rin akong makipagsiksikan sa Forest Lake bukas.  Kita-kits na lang.  Happy Halloween!

Related Posts with Thumbnails