Plaza Heneral Santos Binuksan Na

Mararamdaman mo ang excitement ng taga-Gensan nung di pa binubuksan ang plaza.  Ilang beses ding na-postpone ang binabalak na opening dahil sa kung anik-anik na dahilan.  Kesyo kailangang kumpleto ang mga ilaw.  Kesyo ginagawa pa ang fountain.  Kesyo tinatapos pa ang landscaping.  Ano kaya ang magiging porma ng bagong plaza?   Sa mahigit na anim na buwang binuno ito, ang misteryo ng plaza ay lalo lang lumaki.  Hindi na pinagusapan ang halaga nito.  Para sa taga-Gensan, sapat na ang pagnanasang magkaroon ng honest-to-goodness tambayan  ng masa.

Matagal na ding pinlano ni Mayor Jun ang renovation ng plaza sa tapat ng city hall.  Alam nyang kakailanganin ng malaking pondo para maayos ito.  Akala ko hindi na magkakatutuo ang minimithi ng marami.  Pinagmamalaki nating Most Competitive City tayo pero mukha namang disyerto ang plaza natin.  Bugbog na si mayor sa mga parinig namin.  Tanging nasasambit nya – pinagiipunan ito taon-taon at darating din ang takdang panahon para umpisahan ang pagbabago.

Kaya nga nung simulang bakuran ang paligid ng plaza, naniwala na ako na tuloy na tuloy na nga ito.  33milyong piso daw ang gugugulin para matapos ito.  Maraming nagulat.  Maraming hindi makapaniwala.  Siyam na taong binuno ni Mayor Jun ang pagiipon ng pondo.  Lumabas na mahigit tatlong milyong piso kada taon ang itinatabi ng pamahalaan para sa proyektong ito.  Kung ako ang tatanungin, isa ito sa pinaka-praktikal na pamamaraan para makabuo ng pondo para sa isang malaking proyekto.

Prioridad pa rin ang pag-deliver ng iba’t ibang serbisyo sa mamayan ng Gensan kaya’t ganito ang naging strategy ni Mayor Jun.  Sa ganang akin, tumagal man ang pangakong pagbabago sa plaza at least hindi naman napako.  Nakita ko na rin na nasagot din kahit papano ang iba’t ibang pangangailangan ng mamamayan.  Malaking pondo nga ang nagamit para sa plazang ito at hindi maiintindihan ng common tao — dahil sa transparency na pinaiiral ng LGU, mahihimay pa rin natin ito ng husto.

Simula ng binuksan ang Plaza Heneral Santos lagi nang punumpuno ng tao.  Nakakatuwang tingnan na pami-pamilya ang namamasyal.  Bakas sa mukha ng bawat General ang mangha at tuwa sa plazang regalo.  Nakakainis lang na sa pagdami ng tao, ang kalat ng basura ay namumuo.  Sana naman makonsensya ang bawat namamasyal at punain ang mga nagkakalat.  May mga trash cans na nakapalibot sa loob ng plaza.  Dun dapat itapon ang basura.

Isang unsolicited advise kay Mayor Jun ang nais kong iparating.  Mag-appoint sana sya ng isang masigasig na  Park Administrator na magaasikaso hindi lamang ng parkeng ito kundi pati na ang iba pang parke sa syudad.  Isama na ang Oval Plaza, ang Landing Park sa Silway, ang Childrens’ Park at ang Hadano Park.  Ang opisina ng Park Administrator ay hindi ang paglilinis lamang ang trabaho.  Dapat siguruhing maayos na pagpapatakbo ng patakaran ng bawat parke.  Disiplina ang kailangang ipairal lalo na sa ating matitigas ang ulo.

Nais ko na sa puntong ito ay magpasalamat kay Mayor Jun sa pagtupad  ng kanyang pangako.  Para sa aming mga dito na ipinanganak at lumaki sa Gensan ang Plaza Heneral Santos ang bumuhay muli ng aming mga mithiin para sa aming mahal na Gensan.  Napakaraming magagandang alaala ang nagbalik patungkol sa plazang ito at lubos ang aming kasiyahan sa pagbabagong nakita.  Umaasa kami na sana’y patuloy pang umunlad ang minamahal nating Gensan.

Related Posts with Thumbnails